Nang mahulog ako sa’yo, kumuha agad ako ng ballpen at papel. Ganun ako kapag inspirado. Magsusulat. Bubuo ng isang magandang istorya dahil lamang sa isang pangyayari sa buhay ko. Sinimulan ko ang istorya natin nang nagsimula ako maging tanga. Nag-ubos ako ng oras. Ng papel. Ng utak. Para lang maganda ang kalabasan ng istorya nating dalawa. Siyempre naman, ikaw yata ang una kong pag-ibig. Gusto ko, perpekto ang lahat. Unang beses ko makaramdam nang mabilis na pagtibok ng puso na walang kinalaman sa pag-inom ko ng kape. Unang beses ko makaramdam ng pagsakit sa sikmura na walang kinalaman sa paglalabas ng ‘sama ng loob’ sa banyo. Iba ang naramdaman ko sa’yo. Sa unang pagkakataon, nasabi ko sa sarili ko na “Sa wakas, nagmahal din ako.” Pero alam mo, nararamdaman ko naman na hindi talaga puwede maging tayo. Kung ang love story ko para sa akin at sayo ay isinulat ko para gawing pelikula, malamang hindi papatok. Lalangawin sa sinehan. Sayang ang gagastusi...