Isang Oras



Isang oras.


Ang sabi mo, isang oras lang ako maghihintay sa'yo. Manggagaling ka pa kamo sa malayo. Traffic. Wala kang masakyan. Samu't saring mga dahilan, sige tinatanggap ko.


Basta isang oras.


Isang oras lang. Uupo lang ako, magmamasid, sisipol, kakanta. Kahit ano'ng pampalipas oras gagawin ko. Matagal tagal rin ako'ng maghihintay. Langgamin man ako. Papakin man ako ng lamok. Sige, iindahin ko. Basta maghihintay ako ng isang oras.


Isang oras ha?


Dalampu't walong beses na ko tumitingin sa relos ko. Tila kay bagal ng pagtakbo ng oras. Sa bawat paggalaw ng mahabang kamay ng orasan, naririnig ko. Dahil kada segundong lumilipas, bumibilis ang paghinga ko. Papalapit ng papalapit ang pagkikita natin.


At kahit nauumay na ko panuorin ang magkasintahan sa gilid ko na kanina pa nagpapalitan ng laway, sige kakayanin ko. Basta maghihintay ako ng isang oras.


Isang oras... daw.


Nagdududa na ko. Parang napakabagal talaga ng pagpatak ng oras. Lingon dito. Lingon doon. Ni anino mo, wala. Ni isang text message wala. Ni tawag wala.


Kaya kitang hintayin ng isang oras pero hindi ako manghuhula. Ipaalam mo sa'kin kung may hinihintay pa ba ako o naghihintay na lang ako sa wala.


Isang oras... my ass.


Hindi na ko natututuwa. Madilim na. Natapos na ang lambingan ng magsyota sa tabi ko, wala ka pa rin. Hindi na yun isang oras. Alas siyete pa lang ng umaga, hinihintay na kita. Alas siyete na ng gabi. Wala ka pa. Nasaan ka na ba? Isang oras isang oras.


Oo. Alam ko. Alam ko'ng sira ang relos ko. Alam ko'ng hindi ka na dadating. Pero alam ko ring tanga ako kasi umaasa ako kahit alam ko na ang katotohanan. Oo, bigo na naman ako. Nasanay na kasi ako na naghihintay. Hindi lang isang oras. Minsan mahigit pa.


Pero ayos lang naman sa akin ang maghintay e. Gusto ko lang siguraduhing may hinihintay ako.


Sa loob ng isang oras.


Ayoko na. Hindi ko na kaya. Aalis na ko. Ang pagtahimik mo, isa lang ang ibig sabihin... umalis ka na at wala nang planong bumalik pa.


Isang oras. Isang oras mo mukha mo.


Isang hakbang.


Bibigyan kita ng ilang hakbang. Wala nang balikan. Sa bawat yakbang ko papalayo sa pinaghintayan ko sa iyo ng mahigit isang oras, ay ang paglimot ko sa'yo mula sa itsura mo hanggang sa pangalan mo.


Isang hakbang.


Isang hakbang na lang sana, aaminin ko na ang nararamdaman ko. Masyado ko na pinatagal. Kaya walang nangyayari sa atin e. Puro tayo pahapyaw. Walang direchuhan.


Isang hakbang.


Sana kayanin ko. Kanina pa ko nakatayo dito na sinasabing hahakbang ako papalayo, pero hindi ko magawa. Umaasa pa rin ako na darating ka at pipigilin mo ko.


Isang hakbang.


Hindi ko na ito nagawa. 


Hahakbang pa lang ako, bigla kang dumating. Hinawakan mo ang kamay ko at tinitigan ako sa mata saba'y sinabi mo'ng:


"Isang oras. Isang oras na kitang tinitignan mula sa malayo. Tinitiis kita. Akala ko kaya ko. Nang makita kong hahakbang ka na, hindi ko na kinaya. Mahirap pala. Isang hakbang mo, alam ko'ng tapos na. Hindi ko kaya."


Isang hakbang.


Isang oras.


Yun lang pala ang kailangan.


At siya nga pala.


Mahal na yata kita.


Comments

Popular posts from this blog

OF OBLATION MYTHS, SABLAY, PLUS A NOSTALGIC ALUMNA

A Tribute To The Moffatts Part 1: My All-Time Favorite Band

I Ship Dramione